|
Tagumpay
ang 'Care Home'

Pinatunayan ng katatapos lamang na premiere showing ng
digital movie na "Care Home" na sabik pa rin ang mga Pinoy
sa Amerika kay Nora Aunor, hindi lamang ang mga masugid
niyang tagahanga kundi pati na rin ang mga Pinoy na
naniniwala sa kakayahan ni Nora bilang isang artista.

Dalawang buwan na ang nakararaan nang mabatid namin ang
tungkol sa "Care Home." Lumabas ang artikulo ni Jun Lalin sa
Abante tungkol sa pagiging busy ni Nora sa paggawa ng "Care
Home" na idinirihe ni Suzette Ranillo.Nagpasalamat kami kay
Jun sa pagbibigay-espasyo para kay Nora Aunor. Nagpasalamat
naman ito sa amin sa pagbabasa ng kanyang artikulo at
ibinalita na siya ay kasalukuyang nasa Amerika ng panahong
'yon. Pinilit naming makipag-meeting sa kanya. Masaya ang
aming pagtatagpo kahit sandali lang.

Nang tanungin namin si Jun kung "ikaw ba eh Noranian o
Vilmanian?," sinabi niyang bilang isang manunulat, wala raw
siyang kinikilingan sa dalawa dahil mabait naman daw sa
kanya ang mga ito. Hindi kami nakuntento at tinanong namin
uli siya, "o, sige, Jun, ganito na lang, kaninong acting
style ang mas gusto mo, kay Nora o kay Vilma?" Buong liwanag
niyang sinabi na, "ako kasi, ayoko ng hysterical acting,
yung nandidilat ang mga mata tapos sigaw nang sigaw." Agad
naming nakuha ang pakahulugan niya. Sa isip namin, "Noranian
siya!"
Kilala ni Jean si Suzette dahil sa isang kaibigan. Pareho
silang nakabase sa San Francisco. Hinikayat namin si Jean na
makipag-meeting kay Suzette para makatulong sa pagpu-promote
ng "Care Home." Agad namang pumayag si Suzette na minsan na
ring nakalaban ni Nora Aunor sa 1980 Urian Awards. Nominado
si Suzette para sa "Aliw" ni Ishmael Bernal at si Nora naman
ay sa "Ina Ka ng Anak Mo." Si Charito Solis ang nag-uwi ng
tropeo para sa "Ina, Kapatid, Anak."
Nakipag-meeting sina Jean, Lito, Mau, at Ricky kay Suzette
at pinlano nila kung papaano maipapaalam sa mga Pinoy sa San
Francisco na mayroong pelikula si Nora Aunor na ipalalabas.
Nag-distribute si Suzette ng maraming tickets sa kanila at
sa iba pang miyembro ng Ka-Nora para maibenta sa iba. Ang
iba sa mga miyembro ay bumili mismo ng sampu hanggang
dalawampung tickets bilang pagtulong kay Suzette at sa mga
taong hanggang ngayon ay tumutulong pa rin kay Nora Aunor.
Mabilis pa sa alas-kwatro ang mga Ka-Norang taga-San
Francisco sa pagpapaskil ng mga poster sa mga tindahan at
iba pang lugar na madalas puntahan ng mga Pinoy.

Isang buwan pagkatapos, nakapagsabi sa amin si Suzette na
maganda ang bentahan ng mga tickets. Sa kabila ng mga
negative publicities tungkol kay Nora lalo na ang kanyang
paghain ng "guilty plea," nakatulong ang mga ito para mag-create
ng curiosity at awareness kay Nora ang mga Pinoy.

Hanggang dumating ang April 23rd. Dalawang oras bago
magsimula ang screening, puno na ang parking lot ng Palace
of Fine Arts na isa sa malalaking venue na pinagdarausan ng
engrandeng events gaya ng 1976 US Presidential Debate, Late
Night Show with David Letterman, Wheel of Fortune, comedy
shows nina Whoopie Goldberg, Rosie O'Donnell at Robin
Williams, San Francisco Ballet, James Bond World Premiere,
San Francisco International Filmfest, concerts nina Celine
Dion at Tracy Chapman, atbp. Magandang senyales 'yon lalo na
para sa mga Noranians. Sa lugar ding 'yon ginanap ang
premiere ng "Milan" na pinutakti rin ng mga Pinoy. Sa lobby
ay makikita na ang maraming tao. Nakakagulat din na ilan sa
mga ito ay ibang lahi - Puti, Latino, Itim, Asyano, atbp.
Subtitled pala ang pelikula!

Maya-maya lang ay dumating na ang ibang members ng cast na
sina Divina Valencia, Rebecca Quintana, Gloria Sevilla, Juni
Ranillo, Jo Awayan, Lailani Navarro, atbp. Divang-diva pa
rin ang dating ni Ms. Divina Valencia na lumipad pa mula San
Diego. Biro ni Divina, "Hoy mga Noranians, siguradong
magugustuhan ninyo ang pelikula. At mga day, baklang-bakla
ako dito!" Maaalala si Divina bilang kasabayan ni Stella
Suarez noon sa pagpapa-sexy. Siya rin nga ba ang pumukpok ng
mikropono sa ulo ni Dr. Rey dela Cruz sa show ni Inday
Badiday noon?

Lipat naman ang mga camera kay Gloria Sevilla na nagsabing,
"salamat sa inyo, mga Noranians, ha." Wika ni Tom, "hindi po,
kami po ang dapat magpasalamat sa inyo sa pagbibigay ninyo
ng proyekto para kay Ate Guy." "Aba, syempre naman, alam
naman ninyo, Noranian kaming buong pamilya." Sigawan ang mga
Noranians.

Sa lobby rin ay makikita ang mga ibinebentang official DVDs
ng "Darling, Buntis Ka Na Naman" na pinagsamahan nina Nora
at Mat Ranillo III noong 1980 at idinirihe ni Amado Cortez.
Madaling naubos ito. Pati ang mga souvernir programs ay
mabilis ding naibenta. Prominente ang GMA-7 sa lobby.
Napag-alaman naming GMA-7 pala ang tutulong sa pagpapalabas
ng "Care Home" sa Pilipinas.

Sa wakas ay dumating na si Nora Aunor! Hiyawan nang malakas
ang mga tao. Nagmistulang palengke ang venue. Kesehodang
naka-formal attire ang karamihan doon. Leather jacket at
maong ang suot ni Nora. Maganda ang aura niya. Slim siya.
Bulong ng isa, "salamat naman at nag-ayos si Guy...alam nyo
naman ang lola natin, wa siya care sa mga make-up, make-up
na ganyan." Namataan din namin ang ilang mga Vilmanians sa
lobby. Silent members kami ng e-group nila kaya kilala namin
sila sa mukha. "Maganda siya, ha!," sabi ng isa.

Hindi naghintay nang matagal ang mga manonood dahil agad na
umakyat ang emcee para tawagin ang cast at crew ng pelikula.
Maraming pinasalamatan si Suzette - mga taong tumulong
maisakatuparan ang pelikula. Hanggang tinawag si Nora para
umakyat sa entablado.

"Maraming maraming salamat po sa pagdalo ninyo," simpleng
wika ng Superstar. Masigabong palakpakan ang ganti ng
audience.

Si Divina Valencia ang pinalakpakan nang napakalakas. Bakit?
Dahil sa sinabi niyang, "maraming salamat at muli ninyong
ipinakita ang suporta ninyo kay Nora Aunor." Noranian nga ba
itong si Banak na tago ang kalahating mukha sa pelikulang "Dyesebel?"
Mahal ng mga Noranians ang mga nagmamahal kay Nora.
Hindi nagtagal ay sinimulan na ang palabas. Tahimik ang
lahat at nakapako ang paningin nila sa telon. Punung-puno
ang Palace of Fine Arts na may malaking kapasidad na 962.
Nung gabi bago ang premiere, nakumpirma na naming sold-out
ang "Care Home."

Istorya ni Claudia (Nora Aunor) at ng mga tao sa paligid
niya ang "Care Home." Isang caregiver si Claudia sa Amerika
ngunit may Ph.D. ito sa History sa Pamantasan ng Lungsod ng
Maynila. Simpleng buhay lang ang kanya. Bahay-trabaho ang
ruta niya araw-araw. Wala siyang luho sa katawan pero magulo
ang buhay niya sa kanyang sariling tahanan. Isang batugan na
Puti ang kanyang asawa (Joe Buono) na wala nang ginawa kundi
humilata sa sofa, uminom ng serbesa at manood ng TV. Laging
ganon ang dinaratnan niyang eksena pagkagaling sa trabaho
kaya para na lang silang mag-roommate ng kanyang asawa.
Minsan ay dinatnan ni Claudia ang kanyang ina na si Cora
(Gloria Sevilla) na nakikipagbangayan sa kanyang asawa. Mas
lalong nagpuyos ang galit ni Claudia nang isang araw ay
madatnan nitong nag-aaway ang kanyang ina at asawa dahil
sinaktan umano ng huli ang kanilang anak.
Nagdesisyon si Claudia na ilagak ang kanyang ina sa isa niya
pang "tahanan" - ang mismong carehome na pinagtatrabahuhan
niya. Para sa kanya, tama ang kanyang naging desisyon dahil
mahal siya ng mga tao sa carehome at para na rin mabantayan
ang kanyang ina nang maayos. Hindi iyon matanggap ni Cora
pero unti-unti ay nakapag-adjust ito. Dito niya naging
kaibigan ang matabil na residente na si Delilah (Divina
Valencia), isang dating bar girl sa Olongapo na
nakapangasawa ng isang Amerikano. Bakla ang pananalita ni
Delilah kaya kwelang kwela ito sa audience. Bawat
nakakatawang eksena ni Divina ay pinapalakpakan. Sa carehome
din nakilala ni Cora ang isang ulyaning residente (Rebecca
Quintana) na madalas dalawin ng kanyang apong si Gilbert
(Germaine de Leon Padilla) at itinakas pa nito minsan.
Caregiver din si Obet (Juni Ranillo) na isa palang doktor sa
Pilipinas at tuluyan nang nag-TNT pagkatapos um-attend ng
isang medical convention sa Amerika.

Hindi magawang mapatawad si Claudia ng kanyang ina.
Makailang ulit itong tinanggihan ng ina sa paglapit nito sa
kanya. Mismong mga pagkain at gamot na iniaabot sa kanya
nito ay tinatabig niya. Poot at sama ng loob ang nasa puso
nito. May ilang eksenang nakaaantig ng damdamin gaya ng
tabihan ni Claudia ang natutulog na ina, yakapin ito,
halikan, at haplusin. Nananabik si Claudia sa ina. Ilang
manonood ang nasilayan naming nabagbag ang loob at nagpunas
ng luha. Unang-una na si Beau.

Hanggang isang araw ay bigla na lang sumakit nang matindi
ang tiyan ni Claudia. Sa mga sumunod na eksena ay
mapapag-alaman na ito pala ay may "gastric cancer." Di
sinasadyang makita ni Obet ang pain medicine na iniinom ni
Claudia. Itinago ni Claudia ang sakit niya sa kanyang ina.
Isang araw ay na-ospital ito at doon na tuluyang naisiwalat
kay Cora ang tunay na kalagayan ng kanyang anak. Di naglaon
ay si Claudia na ang nakaupo sa wheelchair na itinutulak ng
mga kasamahan niya sa trabaho. Si Claudia, na dating
nagbibigay ng tulong bilang isang caregiver ay isa na
ngayong pasyente na nangangailangan ng tulong. Nagkaroon ng
Christmas party sa carehome. Marami ang napaluha sa
monologue ni Claudia sa kanyang mga kaibigan: "this is a
very special Christmas for me and I'm happy spending it with
all of you...as you may know, I will be gone for a long
time...I'm taking a much needed vacation, a very long
vacation...I will surely miss you...thank you so much for
treating me like your own daughter...maybe someday, we will
see each other again..." Sa susunod na eksena'y wala na si
Claudia. Nagpatawaran ang ina at asawa nito.

Sigurado kaming sabik ang lahat ng mga Noranians kay Nora
Aunor, maging ang mga ito ay diehard, not-so-diehard,
a-little-bit-diehard, dieharder,
diehard-before-but-not-anymore, o mga Noranian na patuloy
ang pagpuna sa kanya.
Mahusay si Nora sa kabuuan kahit sa isang simpleng eksena:
Dumating siya ng bahay mula sa trabaho nang pagod, excited
ang kanyang asawa na naghanda ng dinner at wine para sa
kanilang dalawa, gulat na gulat si Claudia sa "bagong ihip
ng hangin" ngunit mas ginusto pa nitong magpahinga kaysa
saluhan ang asawa. Very touching din ang eksenang
nagpatawaran ang mag-ina habang nasa ospital si Claudia.
Mahusay ang pagkakaganap nina Gloria Sevilla at Divina
Valencia. Maging ang suporta ng mga Amerikanong sina
Germaine Padilla at Joe Buono, na pawang lehitimong aktor ay
kapanipaniwala. Hindi kami magtataka kung makakuha ng isa o
dalawang nominasyon si Divina Valencia sa award derbies sa
susunod na taon.
Pagkatapos ng palabas ay nagpaunlak ang cast members sa
pangunguna ni Nora na mag-sign ng autograph.

Isang malaking tagumpay ang "Care Home." Dinumog ito ng mga
Pinoy. Balita nami'y maglilibot pa ito sa ibang lugar sa
Amerika at sa ibang bansa. Sa Pilipinas naman ay Oktubre ang
palabas nito. Sana nga'y maging matagumpay din ito sa
Pilipinas.

Ang tagumpay ng "Care Home" ay tagumpay ni Nora Aunor at ng
kanyang mga tagahanga. Isang katunayan ito na marami pa ring
nagmamahal sa kanya.

Sana ay magtulong-tulong lahat ng mga Noranians sa pagsulong
ng sining ni Nora Aunor. Aminin man ng iba o hindi, tanging
si Nora Aunor ang tinaguriang "phenomenal" sa Philippine
showbiz. Manatili sana ang N-O-R-A sa mga N-O-R-A-nians, sa
isip, sa salita at higit sa lahat, sa gawa.

|